Sa bawat umagang ginigising ako ng tunog
ng kampana mula sa kalapit na bahay-dalanginan, nadarama ko ang hampas at lamig ng
simoy ng hangin sa aking balat at naririnig ang bulong ng tubig na umaagos sa
kung saan man, marahil mula sa kusina o sa napabayaang gripong nakabukas. Sa
aking pagbangon at sa muling pagharap sa salamin, pumapasok sa aking isipan ang
bagong daigdig na inihain upang muling imulat ang mga mata, kasabay ng bukang
liwayway na may katahimikan na para bang kailanma’y hindi mapaparam.
Hindi maikakaila ang pagkumpas ng
panibagong musika ng bawat araw na dumarating sa ating mga buhay. Kaakibat nito
ay ang siklo ng paggawang tila ba wala nang katapusan at tuwina’y kaakibat ang
katanungang Bakit ko ba ginagawa ang lahat ng ito? Pagdaka’y napayuko at
biglang naalaala kung ano ang dahilan ng katanungang iyon. Nasabi sa sarili,
wala nang iba maliban sa hangaring makapagtamasa ng nagniningas na edukasyon.
Nang minsa’y sumubok sabayan ang
kumpas ng musika, ako’y napadpad sa kawalan, hanggang dinala ng mga daliri’t
teknolohiya sa kursong pilosopiya. Heto ako’t tinatahak ang mga katanungang
tila ba binuo upang alugin, sakmalin at bolahin ang sariling utak. Hindi ko
namamalayang unti-unti nang lumalapit ang kasagutan sa aking presensiya, na
siyang pinangunahan ng isa sa mga pilosopong sinabing malawak ang kaniyang
kaalaman kung para saan at ano ba talaga ang litanya ng edukasyon sa buhay ko
ngayon – isang lalaking nagngangalang Jiddu Krishnamurti.
Para sa akin, simple lang naman ang
dahilan kung bakit tayo’y narito sa mundong ito, iyon ay dahil bawat isa sa
atin ay may dahilan ng bawat pagtutob at paghinga. Lahat ay may tinatahak na
landas ngunit hindi lahat ay alam ang paroroonan. Sa madaling salita, lahat
tayo nakababatid ng kani-kaniyang eksistensya, ngunit hindi lahat alam kung ano
ba talaga ang estado ng nasabing eksistensya – isa sa mga dahilan kung bakit
sumasagi sa isipan ng pangkariniwang tao ang mga ito ay dahil sa tinatawag na
pilosopiya.
Ano nga ba ang kinalaman ng
edukasyon sa pilosopiya? Ano naman ang kinalaman ng pilosopiya sa eksistensiya?
Matapos ang mga katanungang ito, muli kong binalikan si Krishnamurti, ayon sa
kaniyang pagpapaunawa, Life is not merely a job, an occupation; life is
something extraordinary wide and profound. Napahinga ako nang malalim at
naalaala ang laging sinasabi ng mga kaututang-dila na ang pag-aaral ay
paghahanda upang maging mahusay sa pipiliing trabaho. Sabi pa nga, magkakaroon
ng magandang buhay kung may magandang trabaho. Sa madaling salita ba, ang
mabuhay ay magkaroon ng trabaho o ang magkaroon ng trabaho ay mabuhay? Ngunit
ayon kay Krishnamurti, life is not merely a job, an occupation…
Naging malinaw pa sa sikat ng araw
na ang eksistensiya ay isang buhay na hindi dapat umikot sa kinagisnan at
dinatnan. Hindi rin ito isang bagay na laging may kapalit o sweldo, hindi isang
trabaho kung saan ang bawat kilos ay parte ng trabaho – na pamalagia’y
uulit-ulitin hanggang matapos ang araw. Ito pala ang kinalaman ng pilosopiya sa
eksistensiya – ang suriin ang buhay sa mataas na istilong may gabay.
Edukasyon. Ito naman ang bukambibig
ng mga kaututang-dila mula pa ng magkaroon ng isip ang paslit. Sa katunayan pa,
iyon ang dahilan kung bakit nagkaisip ang paslit. Education has no meaning
unless it helps you to understand the vast experience of life with all its
subtleties – muling pahiwatig ng pilosopiya ni Krishnamurti. Bigla akong
nagdalawang isip ngayon kung bakit ko pinapagod at pinupuyat ang utak upang
unawain at isapuso ang matematika, nang biglang naalaala, lahat ng iyon ay
magsisilbing pundasyon ng pang-araw-araw na buhay, hindi upang gawing kalkulado
ang bawat kilos kundi upang maunawaan kung bakit ba nangyayari ang mga
bagay-bagay na hindi kayang maunawaan sa pamamagitan ng mga salita.
Ito na marahil ang sagot sa
katanungang, ano ba ang koneksiyon ng pilosopiya sa edukasyon. Ang pag-isipan
kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit dapat maglaan ng oras sa pakikinig –
kung saan nabubuksan ang mga matang inosente sa karimlan at nagsisimulang
mauunawaan ang dahilan ng kabiguan; kasabay ang pagtuklas sa maliwanag na bukas
at ang pagmani-obra sa hinaharap.
No comments:
Post a Comment